Kanina pinabili ako ni mama ng pacifier ni Alex sa SM, yung pigeon lang kasi ang gusto niya e at sa SM lang meron. Pagtungtong ko sa third floor ng department store, at nang mapaligiran na ako ng mga bagay na pambata, hindi ko na talaga mapigilang umiyak, tumutulo na sila at wala na akong magawa. Kukunin na kasi si Alex ng legal mother niya na nasa New Zealand this coming Sunday.
Mahigit isang taon din namin siyang inalagaan, at sa haba ng panahong yon paano ba namang hindi siya mapapamahal nang husto sa amin. Para siyang manyika na may sariling isip, marunong tumawa, umiyak, mangulit at manlambing. Minsan nakakainis sa sobrang kaingayan at kalikutan, pero mas madalas naman na nakakatuwa kasi kapag ngumiti na siya parang lahat na ng inis, pagod at sakit ng ulo mo mapapawi, lam niyo yun, yung tipong ngiti na pati ikaw mahahawa, sobrang inosente, sobrang totoo. Tuwing umuuwi ako, siya una kong hinahanap tapos nun maglalaro na kami, aawayin niya ako sa umpisa kasi mas gusto niya kay Ate Vilma o kaya kay Mama, pero maya-maya bati na kami tapos magtataguan na kami o maghahabulan na sa bahay. Kapag naman nag-aaral na ako o nagco-computer, ayan na, sisiksik siksik kasi gustong makihampas sa keyboard o kaya naman makipihit ng mga pahina ng mga libro ko. Minsan nakakasakit talaga ng ulo kasi hindi ako makagawa ng matino, pero kapag tinaboy mo naman iiyakan ka. Pano naman yun, e di natunaw naman ang puso ko, kaya sige, bahala na, hinahayaan ko na lang siyang gawin yung gusto niya, bunso-bunsoan e. Pakiramdam ko din naging mas malapit kami ng mga kapamilya ko sa isa't isa nung dumating siya kasi napapadalas na din ang mga kwentuhan namin dahil sa kanya, dahil madalas siyang maging paksa ng mga diskusyunan namin. At pag nagkakaroon ng alitan siya rin ang peace maker kasi siya ang common topic na gustung-gusto naming pinag-uusapan lahat.
Pero ngayon, kulang sa dalawang araw na lang siya dito. Iiwan niya na kami. Wala na yung maliit na batang paikot-ikot sa bahay, hindi ko na maririnig yung malilit niyang hakbang. Wala nang mang-aaway sa akin pag kunwari ay inaagaw ko mama ko. Wala na yung bigla na lang iiyak kasi bagong gising at lahat ay matataranta kasi wala pang nakatimplang gatas. Ayan, sumasakit na nang husto ang kalooban ko sa pagsulat nito, kasi habang humaba to lalo kong nararamdaman na totoo na talagang mawawala na siya sa amin. Ganito naman kasi ang usapan mula pa sa umpisa, pero gayunpaman pakiramdam ko pa rin ay biglaan ang lahat ng mga pangyayari kahit dapat ay hindi naman at dapat ay handa na kami matagal na. Siguro idagdag mo pa sa kinasasama sa loob ko ang katotohanang sa susunod na pagkikita namin ay hindi na siya talagang amin kundi sa iba na talaga, at malamang ay hindi man niya matatandaan ang mga masasayang alaala na iniwan niya dito sa bahay. Ang sakit pala talagang mahiwalay sa isang minamahal. Parang gusto mo siyang makasama palagi sa kakaunting panahon na magkasama kayo pero ganun pa rin naman ang mangyayari, parang normal lang naman, pero pag naiisip mong mawawala na siya kahit kasama mo pa malulungkot ka pa rin. Pag masaya siya masakit rin kasi alam mo sandali na lang ay hindi mo na makikita ang masaya niyang mukha, pero syempre ayaw mo rin naman na malungkot siya kaya pati ikaw ay magsasaya-sayahan na din. Ang hirap, parang dinudurog ang puso ko. Kanina pa ako iyak ng iyak e. Hindi ko na nga alam kung papano ko itatago ang pagmumukha ko habang namamasahe mula SM hanggang dito sa bahay, aba ang layo din nun a. Pero ayun, wala na lang pakialamanan. Pag pinipigil ko naman kasi luha ko lumalabas din siya sa ilong kaya ganun din, mas masagwa pa ang itsura. Pag-uwi ko naman sa bahay, tinanong pa ng nanay ko kung bakit ako umiyak, hindi na ako nakasagot at humagulgol na lang ako habang buhay. Ayun, nahawa na yung nanay ko,umiyak na din tuloy, pano ba naman parang tunay na anak na talaga ang turing niya kay alex. Sabi niya nga sa akin minsan "Pag lumaki siya at nalaman niya ang totoo ,sabihin niyo na lang na kahit hindi niyo siya tunay na kapatid, kahit na hindi natin siya kadugo ang tunay naman ay ang pagmamahal natin sa kanya", ang drama noh? Natameme nga ako nung sinabi yun ni Mama sa akin e. Sana naman kahit na bakasyon makabalik din agad siya sa Pilipinas. Ibang iba na talaga ang alog ng bahay pag-alis niya. Mamimiss talaga namin yun.