Matagal ko na gusto gumawa ng ganitong entry pero dahil makakalimutin ako, hindi ko nasisimulan. Ngayon lang. Ayun, eto yung mga bagay tungkol sa akin na hindi ko naman masyado pinapagkalandakan, pero kung oobserbahan ng mabuti ay totoo naman.
1.) Makakalimutin ako. Sobrang absent minded ko talaga kaya pag may kelangan ako gawin nas-stress ako sa kakaalala. Kasi, kung hindi ako mag-focus sa kelangan kong tandaan, madistract lang ako ng konti, wala na sa utak ko yan. Extra effort ba ang present-mindedness sa akin, gets niyo?
2.) Takot ako sa ka-cheesy-han at kakornihan. Squeamish lang talaga ako sa mga ganung bagay. Ayoko ng mga din ng mga bagay na masyadong pa-cute. Hindi ko pa ma-define kung ano nga ba itong mga tinutukoy ko, pero pag narinig o nakita ko yan malamang mananahimik o mag-walk out na lang ako.
3.) Gustong gusto ko magsuot ng mga damit na seksing seksi, yung tipong bordering pokpokish. Pero kulang ako sa lakas ng loob kahit alam kong bagay naman. Kaya kahit minsan inookray ko ang mga babaeng bonggang bongga ang pagka-pokish ng damit, may konting bahagi pa rin sa akin ang naiinggit. Kung magsuot man ako ng ganun, malamang may pampatong ako kaya hindi rin halata.
4.) May pagka-loner/anti-social ako. The nice kind. Ang malala, nag-e-enjoy naman ako kahit ganun. Marami naman akong true good friends. Pero ako yung tipong hindi magpapasama sa CR unless feeling ko gusto din mag-CR ng kasama ko. Ok lang sa akin maglakwatsa ng mag-isa.
Pag nasa bahay ako nagkukulong ako sa kwarto. Hindi ako yung mga tipo ng tao na unang makikipag-usap pag may kasamang di kilala, malamang dedma na lang ako pag ganun. Ok lang kasi sa akin na nakatunganga. Basta ganun, marami akong friends pero ayoko lang talagang nagiging dependent sa iba masyado.
5.) Masungit ako sa bahay. Ewan ko ba, basta ganun talaga ako, I can't help it.
6.) Hindi ako masyado nagpaplano ng buhay. I try to live one day at a time. Naniniwala kasi ako na kung inaayos mo naman ang kasalukuyang buhay mo, magiging maayos din naman ang kinabukasan. So far ayos naman, gumana naman ang prinsipyo kong ito.
7.) Hindi ako mahilig sa self-help books. Parang common sense lang naman kasi yung mga pinagsasasabi sa mga ganun. Nagiging defensive lang ang utak ko tuwing nagbabasa ako ng ganun kaya hindi na lang. Maayos naman ang pagpapalaki sa aking ng magulang ko.
8.) Kahit na gusto ko naman maging magaan ang buhay ko, hindi ko pinangarap na maging sobrang yaman. Tipong gagawin ko ang isang bagay kasi may mabuti siyang maidudulot sa buhay, pero hindi ko consciously naiisip na para yun sa ikayayaman ko. Tipong bonus na lang kung may kayamanang kapalit. Tuwing nagsasabi ang mga kaibigan ko na gusto na nilang yumaman nababagabag at nalulungkot ako. Hindi ko kasi matarok kung baket kelangan maging sobrang mayaman ng mga tao. Pera ba talaga ang nagpapaikot sa buhay ng tao? Pero hindi ko rin masabi, kasi nakakaluwag siguro ako ngayon kaya naiisip ko tong mga to.
9.) Pag iniisip ko ang pag-aasawa, at siya naman kasi ang dami kong kilalang nagpapakasal ngayon, napapagtanto kong ayoko pa talagang magpakasal! Hay, naiinis na nga ako e. Gusto ko naman ma-inlab, pero pag naiisip ko ang magiging epekto nito sa kalakaran ng buhay ko ngayon hindi ako natutuwa. Hay, sana magbago na ako.
10.) Napakaiksi ng pasensya ko. Bow.
11.) Ayoko ng kinukulit ako. Please lang. Kung tatawagan mo ako para lang makipag-chikahan, magtext ka muna kung busy ako. Nas-stress kasi akong makipagdaldalan pag wala ako sa mood, kasi wala rin akong lakas ng loob para sabihin na "Ay sorry busy ako, usap na lang tayo next time".
12.) Hindi ko kayang makipagplastikan. Pag ayaw ko sa isang bagay/tao hindi ko kayang magpanggap na ok lang, na maganda naman etc. May facial expression kasi ako na nagsasabi na "Ay di ko type". Terible.
13.) I love my sense of humor. Kahit may pagka-anti social ako, hindi ako hirap magfit-in sa isang grupo kasi wide ang spectrum ng sense of humor ko. Madali akong maki-ride at hindi naman ako masyadong pikon.
14.) At this point in life, wala na akong pakealam sa sinasabi ng mga tao tungkol sa akin. Kung ayaw mo sa akin edi wag mo. Ginagawa ko kung ano man gusto kong gawin. Pero mabuti naman akong tao, hindi naman ako consciously gagawa ng makakasakit sa iba.
15.) Hindi naman ako materyosang tao, pero gustong gusto ko talaga napapaligiran ng mga magagandang bagay. Siguro nagkakataon lang na yung mga magagandang bagay na nagugustuhan ko ay mamahalin din. Pero pag may nakita akong magandang mura, malamang bilhin ko din naman yun.
16.) Hindi ako girly. Sa kabila ng mga kurbada sa katawan ko, may pagka-maton ako kumilos. Kikay at mapag-ayos ako, pero hindi ako hihingi ng tulong para lang magpapansin o magpa-cute. Nakakasayang ng oras. Sabi nga ng ka-opisina ko hindi daw ako babae, hahaha. Hindi ko lang talaga magawang maging mahinhin at pino. Kahit sa mga gamit ko, gusto ko yung may pagka-masculine ang features, madalas kasi mas matibay at useful ang mga ganun, at madali din bagayan. Pero pangako, hindi ako tibo. Sayang naman ang beauty ko noh, hahaha!
17.) Pessimistic ako. Pero ginagamit ko yun sa positibong paraan. Tipong do your best but expect the worst ang drama. Dahil sa sobrang nega ko, ginagawa ko ang makakaya ko para ma-offset ang mga masasamang bagay na pwede dumating sa buhay.
18.) Kung nabasa mo yung mga naunang punto, malamang isipin mo hindi ako kaaya-ayang tao, pero nagkakamali ka. Masayahin ako, maraming kaibigan, matulungin, mababaw ang kaligayahan, maganda, seksi at marami pang mabuting pang-uri na pwede mong maisip. Hahaha! Pwera biro, mabuti naman akong tao. Sa tingin ko lang naman.
19.) May dahilan kung baket hanggang 19 lang ito. Ikaw yun.