Friday, October 29, 2010

Amazing Race IMMIGRATION!

Manunuod ako dapat ng sine ngayon e, ito pa naman ang pinakakabangan kong Till My Heartaches End day. But no, hindi ko kinaya. Drugs ako buong araw at pakiramdam ko pag nagmaneho pa ako, makakatulog lang ako sa daan.

Sobrang busy-busy-han kasi netong mga nakaraang linggo. Masyadong nakakapagod ang nasa labas palagi halos buong araw at nagpupunta sa opisina at sa iba't ibang ahensya ng gobyerno para mag-ayos ng mga rekutitos sa pag-alis upang mag-OFW.

Ang hirap kasi e, naging masalimuot ang sitwasyon ko. May mga dagdag na factors sa aking kalagayan. DOST scholar kasi ako e, at dahil dun, sa pagkuha pa lang ng passport nagsimula na ang paghihirap ko. May natira pa akong bond para sa kulang na isang taon na serbisyo sa Pilipinas. Nagfax, nagpabalik-balik sa Bicutan, binayaran ko pa ang natitira kong bond at kumuha ng NBI Clearance bago ako makakuha ng passport.

Pagkatapos nun, pinalad na nga akong makuha ang isang mahusay na trabaho sa Malaysia truly Asia. Masaya na sana eh, kaso may problema! Lagpas na kami sa maximum na 10 direct hires sa bawat kumpanya sa ibang bansa. Hay kay malas! Dahil dyan, pressured kami ng kasabayan ko. Na-delay nang husto ang pag-umpisa namin dun kasi sinusubukan pa ayusin ng amo namin ang sitwasyon. Ang dami nangungulit sa amin kaya lalong nakaka-stress! Dagdag pa dyan, may kelangan pa rin akong tapusin sa DOST. Sa pangalawang pagkakataon, nagfax, nagpabalik-balik sa Bicutan at gumawa ako ng request na nagsasabing hindi ko na mababawi ang binayad ko sa kanila kahit kelan!

Kelangan to para matanggal ang mga hold order ko bilang isang taong may hit sa NBI at Immigration. Ayun, pumunta ulit ako sa mga ahensyang ito para sa clearance. Nagbigay ng contact number ang Immigration para sa pag-follow up ng aking status, pero hindi naman matawagan. Labomen. Hanggang ngayon di ko pa rin alam kung cleared na ba ako.



May angking din akong kamalasan sa schedule. Lagi akong tinatamaan ng mga bagyo at holidays kaya nade-delay ang paglakad ko ng mga papeles. Pero sa wakas, nakakuha na rin ng working visa galing Malaysian Embassy! Pwede na kaming pumunta sa POEA at nang malaman na kung ano ang hatol, kung makakalusot ba kami as direct hire o kelangan na naming dumaan sa agency. Ayoko mag-agency, kasi kapag ganun ang nangyari, malaking bahagi ng sweldo namin ang mawawala tapos ang aming benefits ay bababa rin. At kaming dalawa lang nung kasabay ko ang natatanging agency-hired employees dun! Pag nagkataon, tuwing may company outing, iwan kami! Kawawang mga bata.


Dumating na nga ang pinakatatakutan naming araw ng pagpunta sa POEA. In fairness, kami ang nagbukas at nagsara ng name-hire department. At siya nga, tunay palang dapat kaming mabagabag. Pinasa namin ang aming requirements. Isang tingin lang nung babae sa pangalan ng kumpanya namin, alam na niya na yun yung pasaway na kumpanya na hindi sumusunod sa patakaran. Nagpaliwanag kami at kinuha naman niya ang papeles namin para ma-evaluate kunwari. Pinaghintay kami ng matagal. Tinawag ulit para lamang sabihin na maghihintay kami ng mas matagal pa kasi wala pa yung babae para dun sa "approval", approval nila mukha nila. Naghintay nga kami ng matagal. Pagtawag ng pangalan ko, may pinapirma sa amin. Dyusme, akala ko naman na-approve ang aming pakiusap. Pero hindi, ang inabot pala sa akin ay isang rejection letter! Wow nanghina ako, hindi namin alam kung saang kangkungan kami pupulutin non. Pumunta kami sa isang computer shop. Tinawagan namin ang kakilala namin sa kumpanya at kinontak din ang HR aka Roy nila para ipaalam ang kalunos-lunos na pangyayari.

Bumalik kami sa POEA para magmakaawang muli. Kesyo resigned na kami, at kung hindi nila kami payagan mawawalan talaga kami ng trabaho. Mga ganung drama. Musical score on: "Bagong bayani, na ang sandata ay luha...Bigyan naman ninyo kami kahit na konting awa-a-a-a-a-a-a-ah". Kaso nasa Pilipinas pa pala kami noh, hindi pa applicable ang kanta. Tinanong namin kung pwede pa ba kami mag-appeal. Sabi niya, hindi daw kami yung dapat na mag-appeal, dapat yung employer yung mag-appeal para sa amin. Sinabi naman namin yun kay Roy. Gumawa siya ng appeal letter na ipapabigay sa amin sa POEA. Sa kamalas-malasan naman ay wala yung pipirma at kelangan pa namin maghintay ng matagal. At totoo ngang matagal! Nakapanuod na kami ng sine, wala pa din! Hanggang 4 pm lang yung opisina, at halos sakto 4 pm dumating yung fax ng sulat! Nakakapraning. Binigay namin dun sa babae sa Window 10 na itago natin sa pangalang Tess. Pinapunta niya kami sa isang nakatataas sa loob ng opisina para magmakaawa ulit. Itago naman natin siya sa pangalang Minnie. Hay, talaga naman. Pinakita namin yung sulat at nakiusap ulit. Buti good mood si lola at pinayagan na i-endorse ni Tess yung mga papeles namin. Pinalabas ulit kami at hiningi yung papeles namin, pinagawan kami ng petition letter at inayos niya yung mga papeles. Tawag daw kami ulit sa Martes para malaman ang resulta ng aming approval request.

Hay grabe, hindi na ito kinakaya ng powers ko. Sana talaga maayos na at hindi ko na kaya ang isa pang round ng ganito.

Panginoon, tulungan niyo po kami.

No comments: