Monday, July 26, 2004

Sagad

Bakit ganun, tuwing umuuwi ako, pakiramdam ko hindi ako napapahinga, bagkus lalo pa akong napapagod. Diba dapat pag nasa bahay ka dapat mas komportable ka na? Nakakaubos lakas talaga manatili sa bahay namin, pakiramdam ko alila ako, ako na lang lagi ang nakikita ng nanay ko, walang humpay sya kung mag-utos. Sa eskwela pa nga lang pagod na ako e tapos pagdating sa bahay ang sasambulat sa akin ay “ Sino ba maghuhugas nito, kapitbahay?...maghiwa ka na ng baguio beans…hindi lang yan yun, meron pang isa pang plastic sa pridyider…magsampay ka na…itupi mo na yung mga bagong tuyong damit…bukas punta ka sa Project 7 kasi tumawag na si ethel…tapos daan ka na rin sa mercury, bili ka ng gatas…sa Biyernes ikuha mo ulit ng birth certificate yung pinsan mong hindi mo naman kilala...sa isang araw naman pumunta ka sa buwan para magpalutang-lutang ka na lang dun habang buhay!”-ha! sana nga mangyari!. At bawal pa magreklamo, para bang wala na akong karapatang mapagod, pag nakita akong nagpapahinga parang bigla na lang makakaisip ng bagong iuutos sa akin. Palibhasa hindi magawa ng nanay ko na utusan ng utusan si paboritong bunso at ang dakila ko namang ate ay pagod galing sa trabaho. O baka naman sadyang ako lang talaga ang paborito kaya pangalan ko na lang ang palagi nilang naaalala kapag may utos. Pag nagreklamo ako ito naman ang linya: “ Wala ka talagang pakialam, wala ka nang iniisip kundi sarili mo at ang mga kabarkada mo”. Kapag kelangan ko naming mag-aral ito naman: “ Napakamakasarili mo talaga, puro ka na lang aral, e kung sa eskwela ka na lang kaya tumira? Sa susunod na semestre talaga, pahihintuin na muna kita”. At nagtataka sila kung bakit parang ayaw kong tumatagal sa bahay.

Hindi ko na alam kung paano gagawin ko, maaga na nga ako umuwi kung maari e, kasi alam ko naman na hindi na kayang mag-alaga ng nanay ko ng bata sabay maglinis ng bahay. Aba, may konsensya din yata ako. Sa umaga naman, nililigpit ko na yung pwede kong iligpit sa kakaunting libreng oras na meron ako. Hindi naman din kasi ako tamad sa bahay e, kaso marunong din naman ako mapagod. Alam ko naman na ako ang pinaka-rebelde sa amin, pero hindi ko naman pinapabayaan ang mga responsibilidad ko. Pero kahit na anong gawin ko parang napakasama ko pa rin sa paningin nila. Ayoko na ng ganito, para akong under probation, bawat pagkakamali ko ay magnified ng x1000. Pakiramdam ko tuloy bumulusok na ng isang milyong puntos pababa ang EQ ko. Pigang piga na nga ang utak ko, pati ba naman lakas ko kelangan sinasagad? At ito’y bahagi lamang ng mga problema ko. Sa totoo lang, sinusubukan ko na talagang isantabi ang lahat at kaya ko namang gawin yun, pero yun ay kung magpapakalayo layo ako. Pero kung lahat na lang ng magpapaalala sa mga suliranin ko ay nakapaligid sa akin, mahirap din talaga. Akala ko ba simple lang ang buhay, pero bakit parang hirap na hirap ako?

1 comment:

Richelle said...

Ngayon ko lang narealize na ang lungkot lungkot mo pala.

Nakakainis nga pag sinasabihan ka nang selfish, kapag pati yung pagaaral mo (na sa pagkakaalam mo ay tamang gawain) ay tinitira, pati barkada.. pati org. lahat na lang.. Nakakainis lalo na't alam mo namang may ginagawa ka rin naman para sa kanila.

Bakit kaya sila ganon?

At bakit kaya kahit ganon sila ay mahal pa rin natin sila? At ayaw pa rin natin silang tuluyang mawala..